Kung mayroon man akong gustung-gusto gawin sa mga oras na ito, ito ay yung mapagana ko muli ang aking isipan sa paggawa ng mga bagong kuwento, tula o kahit anong katha.
Sa tuwing naaalala ko yung mga panahon na halos matambakan ako ng ideya tungkol sa mga panibagong istorya at halos daang tula ang naisusulat ko sa loob ng isang taon, nalulungkot ako.
Bakit?
Kasi hindi na ako ganun. Pero hindi ibig sabihin nun ay hindi ko na mahal ang pagsusulat. Kagaya lang din ng pag-ibig, dumadaan ako ngayon sa panlalamig, panlalamig sa tunay na itinitibok ng puso ko; katulad lang din ng pangakong hindi natutupad, nalimot ko ang ipinangako ko. . ang PAGSUSULAT. Nanlamig at nakalimot ako.
Ngunit hindi ba, kung nakaukit sa puso mo ang isang bagay, hinding-hindi mo ito mawawala sa buong pagkatao mo. Maiisip mo ito, mapananaginipan, masasabik, at paniguradong babalikan mo ito. At dahil diyan, alam ko sa sarili ko na muli akong magsusulat ng kuwento; muli akong gagawa ng tula; muling may mabubuong katha sa aking isipan na ikukumpay ng aking kamay; at muling dadaan sa mga mata ng mambabasang mang-iinis, mang-aasar, at matutuwa sa mga ito. Pero kahit ano mang reaksyon nila o ninyo, magiging masaya pa rin ako. Bakit? Kasi binasa n’yo.
Hanggang sa muling pagkikita ng mga letra ko at ng mata n’yo.
Paalam, sa ngayon!