Hindi ko alam kung saan nagmula ang alamat na ito na ikinuwento
pa sa akin ng magiting kong lolo, pero ganun pa man, ipagbibigay alam ko na rin
ito sa publiko. Isisiwalat ko ang sinasabing alamat ng aking lolo Ingkong, ang
Alamat ng Engagement Ring (e ano nga bang tagalog ng engagement ring? hehe).
Sabi ni lolo Ingkong, noong unang panahon daw, wala naman
talagang enge-engagement ring ang magsyota. Syempre, alam ko naman yun (duh!).
Pero ganun pa man, dahil matanda na si lolo Ingkong, pinagbigyan ko nalang at
nagkunwaring interesado sa ikinukwento niya.
Ang totoo nagulat nalang din ako,
kasi namalayan ko nalang na naging interesado na ko sa kinukwento niya.
Pinapakinggan ko ang bawat detalye ng lahat ng pangungusap na lumalabas sa bibig
niya, inaabangan ang mga susunod na mangyayari. At hanggang katapusan,
buong-buo ang atensyong ibinigay ko sakanya.
So ano, handa na ba kayo? O sige, kahit hindi ko alam kung
interesado kayo, sisimulan ko na ang alamat na ito. Ikwekwento ko ang kwento ng
lolo Ingkong ko.
Ang Alamat ng Engagement Ring, Bow.
Noong unang panahon, nung hindi pa uso ang komiks, tv, betamax,
cellphone, at kung-anu-ano pang bagay; nung ang mga tao ay meron lang sibat,
itak, bahag, at kung anu-ano pang sinaunang bagay, merong dalawang mag-syota. Lelong
ang pangalan ng lalaki at Banaya naman ang pangalan ng babae.
Edi ayun nga, si Lelong at Banaya ay magsyota mula sa magkaibang
tribo. Magkaibang tribo, kasi pitong bundok ang pagitan ng bahay nilang dalawa.
Kung iniisip niyo kung paano sila nagkakilala, wag kayong mag-alala, iniisip ko
din yun hanggang ngayon. Basta magsyota na sila at plano na nilang maging
mag-asawa.
Napagpasyahan nilang sa tribo nila Banaya ganapin ang kanilang
pag-iisang dibdib, dahil na rin sa kalagayan ng ama ni Banaya. Masyado na itong
matanda, mahina na at baka hindi na kayaning tawirin ang pitong bundok (Oo nga
naman no, konsiderasyon naman sa matanda..hehe).
Handa na ang sana ang lahat, ngunit isang linggo bago ang
pag-iisang dibdib nila, naganap ang isang digmaan sa tribo nila Lelong. Kung sa
panahon natin merong tinatawag na world war, sa panahon nila merong namang tribe
war.
At dahil lalaki si Lelong, syempre kasama siya sa tribe war. Hindi
pinahihintulutang sumama ang mga babae sa labanan, tanging mga lalaki lang ang
ipinapasabak ng mga tribo sa digmaan. At dahil kailangan gampanan ni Lelong ang
tungkulin niya sa kanyang tribo, hindi niya inurungan ang pagsali dito, kahit
pa nga nalalapit na ang kasal nila ni Banaya. Ngunit ayaw ni Lelong na
mag-alala si Banaya sa kalagayan niya, kaya hindi niya ipinaalam ang tungkol sa
labanan.
Kasama ang ama ni Lelong, lumakad na sila upang ipagtanggol ang
kanilang tribo. Ano nga bang dahilan ng kanilang pakikidigma? Hindi na malinaw
ang dahilan, basta, makikipaglaban siya at ipagtatanggol ang tribo nila.
Habang nasa labanan na si Lelong, ay dalawa lang ang nasa isip
niya – Una, ang mabuhay! Ang makabalik ng buhay para kay Banaya.
Ikakasal pa sila sa isang linggo. At ikalawa, ang maprotektahan ang ama sa labanan.
Balot ng kalasag ang buong katawan ng bawat kasali sa digma.
Mula ulo hanggang paa, pula ang kulay ng kalasag ng tribo nila Lelong. Itim
naman ang kulay ng kalasag ng kanilang kalaban.
Isa, dalawa, lima, sampu. Hanggang sa hindi na mabilang ni
Lelong ang mga napatay niyang kalaban.
Sumandal sandali si Lelong para magpahinga. Ibinaling niya ang
mata sa kanyang ama, Nakita niya na isang kalaban ang lumulusob dito at dehado
ang kanyang ama sa laban. Tumakbo siya papalapit dito, pero habang papalapit
siya, kitang-kita ng dalawang mata niya ang itak na tumabas sa bewang ng
kanyang ama.
Napaluhod ang ama niya. Humiga. Ipinikit ang mata.
Agad-agad
sinugod ni Lelong ang kalaban ng ama. Tinagpas din ni Lelong ang bewang ng
kalaban at napahiga ito.
Lumapit si Lelong sa kanyang ama, pero huli na pala siya. Wala na
itong buhay. Ni hindi manlang niya narinig ang huling habilin nito bago
malagutan ng hininga. Hindi katulad ng mga napapanuod natin sa TV ngayon,
mamamatay nalang ang dami pang sinasabi.
Habang yakap ang ama, ngumalngal si Lelong. Iyak na mas matindi
pa sa batang nasubsob ang muka sa aspalto – ito ang umalingawngaw sa lugar.
Muli niyang nilingon ang kalaban na pumaslang sa ama niya. At
aba, buhay pa pala ito at nagtatangkang tumakas. Gumagapang palayo.
Nagngingit-ngit sa galit si Lelong habang papalapit sa
lapastangang pumatay sa kanyang ama. Kung walang puso niyang pinatay ang
kanyang ama, ganun din ang mararanasan ng lalaking ito. Lintik lang ang walang ganti!
Kinaladkad niya sa paa ang gumagapang na kalaban. Pero nagawa pa
siyang sipain nito. Nakatayo ito at tinangka pa siyang tagpasin gamit ang itak
na hawak. Nakailag siya, ngunit na hagip ng kaunti ang kanyang braso at nagtamo
ng maliit na hiwa. At sa kabila ng sugat na natamo ng kalaban sa bewang, nagawa
pa nitong muling sumugod at tagpasin naman ang ulo ni Lelong. Mabuti at
naka-ilag si Lelong. Ang proteksyon niya lang sa ulo ang nahagip at nalaglag sa
lupa. Nakita tuloy ang mala-Jack Sparrow niyang mukha (Wow, ang pogee ah..).
Lalo pang nadagdagan ang galit niya sa kalaban na balot ng itim
na kalasag. Kung sakaling hindi siya naka-ilag, hindi na siya makakabalik ng
buhay kay Banaya. Papatayin niya talaga ang barabas na ito, hindi lang para sa
kanyang ama, papatayin niya ito para rin kay Banaya.
Hindi pa man sumusugod si Lelong, humakbang na paatras ang kalaban,
waring nadama ang galit ni Lelong at natatakot nang muling sumugod. Waring hindi
makagalaw (nakakatakot ba ang pagmumukha niyang kamuka ni Jack Sparrow?).
Sinamantala naman ito ni Lelong, agad na dinagdagan ang sugat ng
kalaban. Masidhing initak ang dibdib nito. Lumagapak sa lupa ang kalaban na
ballot ng itim na kalasag. Buhay pa ngunit halatang naghihingalo na ito.
Ngunit hindi pa kuntanto si Lelong. Para sa kanya, hindi pa niya
naigaganti ang kanyang ama. Ipapadanas niya sa kalaban ang paghihirap bago
mamatay.
Lumapit si Lelong sa nakahigang kalaban. Tumayo siya sa ibabaw
nito. “Nagkamali ka ng pinaslang! Bakit ang aking ama pa?” – puno ng
galit na sabini Lelong.
Binitawan naman ng kalaban ang itak na hawak-hawak niya pa pala
sa kamay niya, at pilit na inaabot si Lelong. Waring nagpapaawa na wag siyang
tuluyang paslangin. Nginisian lang ito ni Lelong at tinapakan niya ang sugat ng
kalaban sa dibdib. Itinaas na ni Lelong ang kanyang itak, pupugutan niya ng ulo
ang lalaking ito.
Hindi pa rin ibinababa ng kalaban ang kanyang kamay – ang
tanging bagay na hindi nababalutan ng itim na kalasag. Nagpapaawa at
nagbabakasakaling mapigilan si Lelong sa pagtagpas ng ulo niya.
Nakaramdam
ng awa si Lelong. Sino kaya ang lalaking ito, kawawa naman ang pamilya niya
dahil iuuwi siyang walang buhay sa kanilang tribo. Ngunit hindi pwedeng
magpatalo sa awa si Lelong. Naalala niyang ito ang pumaslang sa ama niya.
Gayunpaman, dahil may puso naman si Lelong, sa dibdib nalang niya muling
tinagpas ang kalaban.
Ngunit
buhay pa rin ito,at marahang itinataas ang kamay sa kanya. Naisip ni Lelong na
matapang ang kalaban niya, sa halip na magpatay-patayan, iniaabot pa ang kamay
sa kanya. Dahil humanga siya dito, inalis niya ang kalasag nito sa ulo.
Nanlambot
ang buong pagkatao ni Lelong. Maging ang bibig niya ay hindi alam kung anong
dapat sabihin. Tanging ang mga mata niya ang nakapagpahayag ng nararamdaman
niya. Nagbagsakan mula dito ang luhang di mapigilan ang agos.
Hinawakan
ng kalaban ang muka ni Lelong. Hinaplos. At kahit hirap na hirap ng magsalita, lumabas
ang tinig ng isang babaeng pamilyar na pamilyar kay Lelong. Tinig na nakatatak sa
puso’t isip niya. ”Mahal ko, nagkamali ka ng pinaslang.. Bakit ako pa?..”
Humagulgol
lang si Lelong, hindi pa rin mahanap ng labi niya ang mga dapat sabihin.
Niyakap niya ng mahigpit si Banaya. Alam niyang maya-maya lang mawawalan na ito
ng buhay.
At
ganun nga ang nangyari, namatay si Banaya sa mga bisig ni Lelong. Dun lang
kumawala sa labi ni Lelong ang isang malakas na sigaw. Isinigaw niya ng buong
lakas ang pangalan ni Banaya. Dito niya idinaan ang pighati, sakit ,at
pagsisisi na nadarama.
Natigil
ang labanan ng biglaan. Hindi nila kinaya ang pighating natamo ni Lelong.
Kilala nila ang dalawang magkasintahan. At hindi lingid sa kanila na sa isang
linggo na dapat ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Bakit nga ba hindi pumasok sa
isip nilang ipaalam sa magkasintahan na ang tribong makakalaban ay ang tribo ng
isa’t isa. At napatanong ang lahat kung anong ginagawa ni Banaya sa isang
digmaan na para lamang sa mga lalaki ng kanilang tribo? Naalala nila ang ama ni
Banaya, at alam na nila ang kasagutan.
Nung
araw na iyon, walang nanalo, walang natalo, maliban kay Lelong na napuno ng
kasawian.
Kinagabihan,
nakarating si Lelong sa bahay nila Banaya para ihatid ang katawan nito sa
kanyang ama. Alam na ng ama ang nangyari kay Banaya, dahil sa mga tsismosong
katribo niya na nagbalita sa kanya ng mabilis pa sa alas-kwatro.
Sinalubong
siya ng tanong ng ama ni Banaya, punung-puno ito ng pighati. “Paano mo nagawang
paslangin ang babaeng sinasabi mong mahal na mahal mo higit pa sa sarili mo?”
Napalugmok
sa sahig si Lelong, wala na siyang luhang mailabas, “Paano mo nagawang pahintulutang
ilagay sa panganib ang buhay ng sarili mong anak?”
Niyakap
ng ama ni Banaya ang walang buhay niyang anak. “Anak, bakit? Mas nanaisin ko
pang ako nalang ang napaslang kesa
makita ang walang buhay mong katawan.”
Habang
nakatingin sa kawalan muling nagsalita si Lelong, “Kung meron lang akong
nakitang palatandaan, kahit manlang sa kamay niya na pilit niyang inaabot sa
akin, baka nailigtas ko pa ang buhay ng mahal ko, siguro sana’y nakilala ko ang
mahal ko kahit nakatakip ang kanyang muka…”
Narinig
ito ng isang tsismosong konseho sa tribo nila Banaya. Naantig siya at naawa ng
lubos sa sinapit ni Lelong. Kaya naman nakaisip siya ng bagong batas na dapat
ipatupad. Makalipas ang isang lingo, sa mismong araw na dapat ay ang pag-iisang
dibdib nila Banaya at Lelong, isang batas patungkol sa magkasintahan ang
ipinatupad.
Ang
lahat ng magkasintahan na may planong magpakasal ay nararapat magsuot ng
singsing – pares ng singsing na magbibigay ng pagkakakilanlan sa kanilang
iniirog.
At
yun nga, hanggang sa nag-evolve na at tinawag na Engagement Ring.
So
ano? Kayo na ang bahala kung paniniwalaan niyo ang alamat na ito na kwento ni
lolo Ingkong. Sabi niya kasi ang pangalan daw ng lolo niya sa tuhod ay Lelong.
Sabi ko naman, “Ay naku lolo Ingkong, lokohin mong Lelong mo.”
Hehehe…
O siya, hanggang sa muling kwento. J