Wednesday, June 5, 2013

Father to Daughter

Nakaupo siya.  Umiiyak.

Nagdalawang isip pa akong lapitan siya,  pero base sa impit na hagulgol niya,  alam ko, kailangan niya ng makakapitan.
photo credit: http://liliclilac.blogspot.com

Umupo ako sa tabi niya.

Tumingin siya sakin.  Humihikbi,  Lumabas ang garalgal na boses sa labi niya.  “Bakit mo nagawang ipagpalit si Mama?!!... Pa, bakit??”

Labing-apat na taon.  Ganun katagal na kaming hiwalay ng mama niya.  Pero sa tinagal-tagal,  ngayon lang niya nagawang itanong ‘yun. Ni minsan nga hindi niya ko kinumpronta sa kinahantungan ng relasyon namin ng mama niya.  Ngayon lang.

Pero sapat na yun para malaman ko ang dahilan ng pagpunta niya sa bahay.  Ang totoo,  yung tanong niya ay naghahanap ng sagot; sagot na hindi dapat sakin magmula;  sagot na papawi sa nararamdaman niyang sakit ngayon.  Sakit na hindi naman ako ang may dulot.

Nakatingin pa rin sakin ang nag-iisang prinsesa ko.  Waring hinihintay niya ang sagot ko.
Ako na ang umiwas ng tingin.  Hindi ko kayang makipagtitigan sakanya.  Hindi ko kayang makita ang mga mata niya na ganun kamugto.  Ayoko makitang ganito kamiserable ang nag-iisang anak ko. Ang pinakamamahal ko sa buong mundo.

Nagngingitngit ang loob ko. Walanghiya yung lalaking yun,  sabi ko ingatan niya ang prinsesa ko!  Sabi ko,  wag niyang gagayahin ang nagawa ko!

Gusto kong biglang lumabas ng bahay at hanapin ang hudas na asawa ng anak ko. May kakahantungan talaga sakin ang lalaking yun!  Ihahatid ko siya sa bungad ng impyerno, makikita niya!!

At bakit nga ba ko nagtiwala sa hudas na yun?  Bakit sakanya ko ipinagkatiwalang ikasal ang nagiisang prinsesa ko?

Patuloy lang sa pag-iyak ang prinsesa sa tabi ko.  Hindi ko siya magawang yakapin.  Bakit ganito?  Parang ako ang salarin.  Wala akong masabi para sa ikagagaan ng nararamdaman niya.

Ano naman kasing ilalabas ko sa bibig ko?  Na ayos lang yan?  Na kakarmahin din yun?  Na babalik din ang ungas na yun sayo? Na Kalimutan mo na siya? Argghh!  Hindi ko alam anak.  Ano bang gusto mong marinig na sabihin ko?

“Tahan na anak..”  Yun nalang ang nasambit ko.

Sumagot siya,  “Hindi ko kaya.  Hindi ko mapigil ang pagiyak ko.”

“Nasan yung hudas na yun?  Mapapatay ko siya!” Nasambit ko ang kanina pang pumapasok sa isip ko.

“Ako nalang ang patayin mo.”

“Alam mo ba ang sinasabi mo?  Magpakatatag ka ngaI” Sa inis ko sa hudas na asawa niya,  yan tuloy ang nasabi ko.

“Ikaw Pa?  Alam mo ba ang sinasabi mo?  Alam mo ba kung gaano kasakit iwanan ng asawa, yung nagmakaawa ka na pero hindi parin ikaw ang pinili niya?  Mas nanaisin ko pang mamatay nalang kesa magpatuloy sa ganitong sakit! Ganun kasakit!!  Akala mo ba nag-iinarte lang ako? Oo, siguro nga kahit anong paliwanag ko,  hindi mo ko maiintindihan. Alam mo kung sinong makakaintindi sakin? Si Mama!”

Nagkamali siya. Nung iniwan ko sila ng Mama niya nasaktan din ako.  Ilang beses ko sinubukan bumalik,  pero iba na ang lahat. Ibang tao na ang Mama niya.  Hindi na niya magagawang mahalin ako tulad ng dati. Bumalik man ako,  alam kong iba na ang sitawasyon.  Hindi na mababalik ang dati.

Akala ko anak naintindihan mo.  Minsan lang ako nagkamali.  Nagkasala ako,  nadala ako sa tawag ng laman at nagkamali ng desisyon.  Inamin ko naman yun sa Mama mo.  Pero minsan kahit gusto mo nang itama ang lahat,  hindi na pwede.   Kaya nga habang lumalaki ka,  kahit magkahiwalay kami ng Mama mo,  ginawa ko ang lahat para hindi magkulang sayo bilang ama.  Kahit dun manlang makabawi ako.  --- Yan sana ang gusto kong sabihin sakanya.  Pero tumayo na siya palayo sakin,  paano pa ako magkakalakas ng loob?

Lalo na nung sinabi pa ‘to ng prinsesa ko bago tuluyang umalis, “Alam mo, karma mo to e.  Iniwan mo kasi si Mama kaya nangyari sakin ‘to ngayon!  Look what you’ve done!  Dinamay mo pa ko!!  Ang sakit-sakit!!  I don’t deserve this.  It should be you..  This should be you…”

Kung sakin lang pinalo ko na dapat siya sa pwet na parang bata, o kaya sinungalngal ko na yung bibig niya dahil sa pagsagot ng ganun.  Pero hindi galit yung naramdaman ko nung narinig ko yun.

Ang sakit.  Masakit.  Hindi dahil sinabi niya sakin yung mga yun,  kundi dahil she’s hurting so bad. And it hits me a million times inside.

Nung nakaalis na siya ng tuluyan, dun bumuhos ang luha ko.  Hindi ako umiyak nung naghiwalay kami ng Mama niya, pero ngayong naghiwalay sila ng asawa niya,  umiiyak ako.  Gusto kong maalis yung sakit na nararamdaman niya.  Sa twing naaalala ko yung mukha niya habang umiiyak,  nasasaktan din ako.  Eto yun e,  yung sinasabi niyang mas nanaisin mo pang mamatay nalang kesa magpatuloy sa ganitong sakit!

I can’t believe I’ve done something so cruel to someone..  to her mom.  Kung alam kong ganito kasakit ang pagdadaanan niya,  hindi ako magpapadala sa tukso. Hindi ko siya iiwan.


Pero huli na ang lahat.  Nagawa ko na,  nakasakit na ko. Diyos ko, alam ko napatawad mo na ko.  But if I could just do something to make things better, show me how.

No comments:

Post a Comment