Monday, December 2, 2013

Last Chapter (The End)

Sabi nila, malalaman mong mahal ka ng isang writer kapag kasama ka sa mga naisusulat niya. Kung masama man ito o mabuti, hindi na ‘yun mahalaga, basta kasama ka sa mga sulat niya, makakatiyak kang mahal niya.

Iyon kaya ang dahilan kung ba’t hindi na ako makapagsulat ng tungkol sa’yo? Hindi na ba kita mahal? Sabihin mo, kaya ba naging madali sakin ngayon ang bitawan ka dahil hindi na kita mahal? At bakit ako ang nasasaktan para sayo? Nararamdaman ko yung sakit na mararamdaman mo ‘pag sinabi kong hindi na kita mahal. Ayoko sanang maramdaman mo yung sakit na ‘yun, pero anong gagawin ko? Magpanggap na walang nagbago? Sigurado ako, mas ayaw mong maramdaman ‘yun.

Alam mo naman kung gaano kita pinahalagahan diba? Ang tagal kong pinanghawakan ang lahat ng pinagsamahan natin. Ilang beses ko iniligtas ang relasyon natin sa pagkawasak. Hindi naman sa isinusumbat ko ang mga bagay na ‘yun, gusto ko lang talaga maintindihan kong bakit kaya ko nang iwan ka. At ‘wag mo kong pagdudahan ha, dahil sinisuguro ko sayo na wala akong bago. Pero ang alam ko, sating dalawa, may nagbago. Sigurado ako.

Huwag na tayong magturuan kung sino ang tama at mali, wala na rin namang patutunguhan. Nakakalungkot lang na sa tinagal-tagal kong inangatan ang meron tayo, sa huli dito rin tayo babagsak.
photo credit: kissreports.com

Ayoko. Sino ba ang may gustong masira ang isang iniingatang relasyon? Pero ayoko na. Ayoko na iligtas ang relasyon natin. At sana, sapat na yun para maintindihan mo.


Siguro nga hindi na kita mahal kaya nasasabi ko ang mga bagay na ‘to. Pero tingnan mo, tungkol sayo ang sulat na ‘to. Maaring ito na ang huli, pero siguro maaari mo pang mailigtas ang relasyon natin kung gugustuhin mo at kung kaya mo. Basta ako, ayoko na at wala na talaga akong gana na magsulat tungkol sa’yo.