Tuesday, March 31, 2015

Nang Dahil Sa Pag-indak..



Sa isang lugar sa Cavite kung saan hindi uso ang pagsasayaw, mayroong waring baliw na lalaking nagsasayaw ng Pandanggo. Madalas siya pagtawanan at kutyain ng mga tao at maging ng mga hayop. At sino nga ba naman ang hindi matatawa sa isang taong kakaiba?
photo by: imgkid.com

At siguro'y nasanay na siya sa sitwasyong pinili niya. Sanay na siya sa mga taong tumatawa at kumukutya sa kung sino siya – isang lalaking sumasayaw ng Pandanggo sa lugar na nilimot na ang anumang klase ng pag-indak. Gayunpaman, tuloy lang siya sa pagsayaw sa saliw ng tugtuging sa isip niya lamang naririnig.

Ngunit isang araw isang babaeng matandang umiiyak ang lumapit sakanya. Sa unang pagkakataon, napatigil siya sa kalagitnaan ng kanyang pag-indak; sa unang pagkakataon, isang taong umiiyak ang lumapit sakanya. Iba ito sa pakiramdam niya. Ngunit hindi niya ito gusto. Lalong lumakas ang iyak ng matandang babae, dahilan upang lapitan niya rin ito.

Wala pang lumalabas na tinig sakanya ay waring alam na ng matandang babae ang nais niyang malaman. Kaya naman inabot sakanaya ng matandang babae ang isang diary. Kinuha niya ito at binuklat.

Laking gulat niya sa mga letrang nababasa niya sa diary na ito. At lalong hindi niya kinaya ng makita niya ang patak ng dugo sa diary page na may kasamang mga katagang ‘broken guitar floating in the river’. Iyun ang paboritong kanta ng babaeng akala niya ay hindi na niya makikita kailanman. Dito na siya nagsimulang lumuha at niyakap ang matandang babaeng patuloy pa rin sa pag-iyak. 

At nakisali naman ang langit sa pagluha ng dalawa at pumatak ang ambon hanggang sa naging ulan.

Natawa ang dalawa. Natawa dahil biglang umulan o marahil sa pangyayaring hatid na rin ng tadhana. Ang lalakiing sumasayaw ng pandanggo ay sumasayaw na sa saliw ng patak ng ulan dahil sa wakas ang katabi niyang matandang tumatawa sa ulan ay ang Nanay niyang matagal na niyang hinahanap -- Yung babaeng nakatingin sa salamin ng bintana habang patuloy sa paglayo ang bus na lulan nito; yung huling pagkakataon na nagkita sila. Sa wakas aalis na siya sa lugar na ito at maninirahan kung saan tanggap ng lipunan ang mga taong masayang umiindak sa saliw ng mga tugtugin. Sa wakas.



(Ito po ay isang produkto ng ehersisyong aking pinatulan mula sa libro ng magiting na manunulat, Boss Ricky Lee, ang Trip to Quiapo. Para sa kabouang diskripsyon maaari niyo po akong sundan sa wattpad: Nang Dahil Sa Pag-indak )