Saturday, January 31, 2015

Take Note

Naririnig ko nanaman siyang nagtatanong. At take note, maya-maya lang meron na siyang pagbibintangan. O di kaya naman meron nanaman siyang inosenteng mapapagalitan. Ewan ko ba diyan sa amo ko, hindi pa naman matanda pero kung atakihin ng pagka-ulyanin daig pa yung lola niya. At take note ha, hindi lang yan ulyanin, tatanga-tanga din yan kung minsan. Pero take note, matalino naman siya, nakakalimutan niya lang siguro gamitin kung minsan. I-take note niyo yan.


Siguro na-iirita na kayo sa kaka-ulit-ulit ko ng salitang “take note”, o kung hindi man, panigurado ako maya-maya lang maiirita na kayo. Hihilingin kung pagpasensyahan at maintindihan niyo sana ako. Iyun kasi ang trabaho ko, ang mag-take note. Pero dahil nauunawaan kung madaling mairita ang mga katulad niyong nilalang sa mga bagay na paulit-ulit, babawasan ko ang pag-gamit ng “take note”. Take note ha, babawasan ko ang ‘take note’.


Pero teka, hindi tungkol sa akin ang note na ito. Tungkol ito sa amo ko, na ayun nga, nagsisimula ng pagbintangan yung kapatid niya. Kesyo siya daw ang huling gumamit sa akin. Take note o, tingnan niyo, maya-maya lang iinit na ang ulo niyan. Pero ang totoo, nandito ako. Naka-ipit sa isang papel na nasipa sa ilalim ng aparador niya. Take note, siya rin mismo ang nakasipa sa akin. Mabuti nalang hindi ako kagaya niyo na kailangan huminga para mabuhay, kundi kanina pa ako patay.


Kaloy. Yan ang pangalan ng amo ko. At ako, ako ang dakila niyang partner sa buhay. Ako ang mumurahing ballpen na nabili niya sa National Bookstore. Pero mumurahin man ako, maganda naman ang serbisyo ko. Hindi ako nagtatae, at take note, kahit ilang beses na ako nailaglag ni amo, hindi parin pumapalya ang tinta ko. Kahit itapat niyo pa ko dyan sa mamahaling Pilot o Parker, alam kong may ibubuga ako. Take note! Iba ata ako, am the best ballpen you can ever have. Yun nga lang kahit anong ganda ng serbisyo ko kung ulyanin naman ang amo ko, malamang hindi pa ubos ang tinta ko e tapos agad ang purpose ko sa buhay niya. Balita ko kasi, ilang mga katulad ko na ang naisadlak sa di malamang lugar ni amo Kaloy. At natatakot akong matulad sa kanila.


Gusto kong mapaglingkuran ng lubos si amo. Ayokong mawala sa buhay niya ng hindi nauubos ang aking tinta. Isa pa, gusto ko yung mga salitang inilalabas niya sa pamamagitan ko. Yung mga kwento niya, yung mga tula niya, yung mga saluobin niya. Gusto ko pang makita ang mga letrang ilalabas niya. Kaya lang ilang bes na niya ko muntik maiwala e, at nangangamba ako.


Gustong-gusto ko pa naman si amo. Mahilig kasi siya magsulat. At isa pa, kahit maiksing mga pangungusap lang ang isusulat niya, tagos naman. Kung gaano siya kadiin magsulat, na halos bakat ang mga letra sa limang pahina, ganun din bumabaon ang mga sulat niya sa mga nakakabasa dito.


Madalas magsulat si amo ng mga kwentong bunga ng kathang isip, pero nung minsan, nagsulat din siya ng base sa totoo niyang buhay. Hindi ko ‘yun makakalimutan kasi sobrang higpit ng pagkakahawak niya sa akin, mabuti nalang at hindi niya ako nabali. Tingin ko naman nung mga panahon na ‘yun, hindi siya galit. Pero malungkot siya at nasaktan siya. Wala man akong nakikitang dugo o luha sa kanya, base sa mga letrang inilalabas niya nung panahon na ‘yon, alam kong duguan at luhaan siya.


Yun kasi yung panahon na nakipaghiwalay sakanya yung girlfriend niya. At nung mga panahon na yun, mas madalas kaming magkasama ni amo. Take note, gamit na gamit niya talaga ang mga tinta ko.

E kasi naman etong si amo, dapat matagal na niyang hiniwalayan yang lapastangan niyang girlfriend. Kahit kailan hindi naman siya sineryoso nung impaktang yun. Wala ngang pakealam yung babaeng yun sa mga isinusulat niya e. Dun palang dapat naramdaman na ng amo ko na hindi seryoso sakanya yung babaeng yun.


Ewan ko ba dyan kay amo Kaloy. Tulad nga ng sabi ko, matalino naman siya, minsan nga lang nakakalimutan niyang gamitin. Ayan tuloy nasakatan pa siya, at take note ha, hanggang ngayon hindi pa niya nakakalimutan yung ex niya na yun.


E kung ibinabaling nalang kasi niya ang tingin niya sa bestfriend niyang si Margie, edi sana, happy na siya. Kaya lang tatanga-tanga. Naku, kung kaya ko lang batukan si amo, nabobo na siguro talaga yan! Mabuti nalang hindi ko kaya. Sayang naman yung natitira niyang katalinuhan. Pero sana no, gamitin niya.


Hindi ba niya napapansin yung totoong damdamin sakanya ni Margie? Ako nga na walang puso na tumitibok damang-dama yung pag-ibig ni Margie sakanya, siya pa kaya? O sadyang manhid lang si amo?


Kung sabagay, hindi ko rin naman malalaman yung totoong damdamin ni Margie sakanya kung hindi ako napunta sa pangangalaga nito ng isang linggo.


Nung isang bes kasi, naiwan ako ni amo Kaloy sa bahay ng bestfriend niyang si Margie.
Dun ko nga nalaman yung totoong damdamin ni Margie para kay amo. Sa ilang pahina ng notebook, isinulat niya ang damdamin niya para kay amo Kaloy. Hindi ko alam kung pang-ilang beses na ba niyang naisulat ang pagmamahal na iyon, pero napansin ko, halos mapupuno na ang notebook na ‘yun. At hindi ko alam kung lahat ng mga naisulat duon ay patungkol kay amo, pero sa buong isang lingo kong pananatili kay Margie, puro patungkol kay amo ang isinulat niya gamit ang mga tinta ko.
Kung alam kaya ni amo Kaloy ang damdamin ng bestfriend niya sa kanya, mababago ang sitwasyon niya?


Kung mababasa kaya niya yung mga sulat ni Margie, magiging masaya na sila pareho?
Ewan ko ba sa mga katulad niyong nilalang, ganyan ba talaga kayo? May bibig naman kayo pero bakit kailangan niyo pang gamitin ang mga katulad namin para ipahayag ang damdamin niyo? Nagsasalita kayo gamit ang mga tinta at naipapahayag niyo bang talaga kung hindi naman ito nababasa ng nilalang na tinutukoy ng mga bawat letrang sinusulat ninyo?


At ako? Makikita pa ba ako ng amo kong naghihimutok na sa inis dahil hindi niya alam kung nasaan ako? Pero andito lang ako! Naka-ipit sa papel sa ilalim ng lintik na aparador na ‘to na siya mismo ang nakasipa. At ayoko dito!


Pakisabi naman kay amo Kaloy na wag siyang titigil sa paghanap sakin, at wag kamo siya bibili ng bagong ballpen sa National Bookstore o kahit sa bangketa dahil andito lang ako. Hindi pa ubos ang tinta ko. Hindi pa tapos ang serbisyo ko. Gusto ko pa siyang makasama. Gusto ko pang masaksihan ang mga letrang ilalabas niya.



Pero kung hindi niya ko makita, siguro hindi na ko magtataka. At siguro maiintindihan ko siya. Take note ha, kung yung damdamin nga ni Margie hindi niya makita, ako pa kaya?