Friday, January 23, 2026

Palagi Kang May Kasama

Hindi pa kita nakasama mag-isa

Palagi, kahit sa pagdalaw mo sa panaginip,

Palagi kang may kasamang isa o dalawa


Hindi ko alam kung iyun ba ang iyong gusto

O baka takot lang ang tadhana sa ikaw at ako

Maiwan ang tayo sa isang ispasyo't magkaron ng delubyo


Ngunit, kung meron man akong pinaniniwalaang dahilan

Sila'y mga nagsisilbing protekston mo lamang

Sa mga panganib at pagkasira na maaring idulot ko muli sa'yo


Maraming beses na kitang dinala sa panganib

Maraming beses mong inalay ang 'yung buhay sa akin

Nakita nila, nakita ng mundo at tadhana ang dalisay at wagas mong pagmamahal


Palagi kang may kasama, nung minsan nga nagalit pa sila

Huwag ko na daw banggitin ang 'yong ngalan

At tinanggap ko lang ang hagupit ng poot nila


Tama lang sila, ngunit sana'y alam nila

Na katulad nila'y nais kong manatili kang ligtas at buo

Malayo at malaya sa aking tanikala


Ngunit nung minsang sinubukan kitang ngitian, 

Tinanong ng 'yung kasama kung ba't pa kita nginingitian

Hindi ako sumagot ngunit naunawaan ko ang buong konsepto


Bakit nga ba kita ngingitian pa, 

Kung di ko naman paninindigan ang idudulot nito sa'yong ligaya? 

Kaya't hahayaan ko na lang humadlang sila maging ang tadhana


Ngunit aaminin kong patuloy kong dadalhin ang tanong

Takot ba ang tadhana sa delubyo ng ikaw at ako?

O isinumpa ng langit ang ganuong klase ng pag-ibig?

No comments:

Post a Comment