Friday, December 5, 2025

Hele

Lumipas na ang Nobyembre, 

kasabay nito ay tinangay niya ang bigat, ang lungkot,

na palaging di magawang maipaliwanag, 

sa simpleng salita o maging ng siyensya


Ibinulong sa hangin ang taimtim na pasasalamat,

isang laban muli ang tahimik na napagtagumpayan,


At bukas, sa mga susunod na araw

ay maaring magaan, mananatili sa hele ng kamusmusan,

Dahil sa muling paglipas ng labing dalawang buwan,

haharap muli sa pakikipagbunuan,


Ngunit, saka na titingnan ang araw na iyon,

Sa ngayon, dito muna, dito lang,


Magaan at may lubos na galak,

Hahayaang malunod sa hele ng kamusmusan,

Saka na iisipin kung anong klaseng bigat na naman,

ang papasanin ng puso at kaluluwang Diyos lang ang may alam


Saturday, September 13, 2025

Tadhana

Kapag nakita mo akong nakatulala sa'yo

Mamili ka lang sa dalawa na maaring laman ng isip ko:


Una ay pagkamangha sa buong pagkatao mo

Na tila ba'y isang himala na naging isa ang ikaw at ako


Ikalwa ay bagabag at takot na baka tayo ay magtapos

Na baka dumating siya at ariin ang hinablot ko sa pagkakataon


Dahil giliw, hindi ko wari kung ito'y iyong alam,

Ika'y inagaw ko lang sa istorya ng iba, o sa istorya n'yong dalwa


Giliw, ginulo ko ang nakatakda niyong tadhana,

Nung ika'y aking hagkan at kailanman 'di na pinakawalan


At heto akong nakatulala sa'yo at hinihiling na sagutin mo:

Pipiliin mo ba siya kapag dumating na?

O mananatili ka sa panibagong istorya na tayo na ang bida?