Wednesday, July 15, 2015

Yung Babaeng Naka-Wedding Gown

Bumilis ang tibok ng puso ni Kevin nang makita niyang nakasuot ng wedding gown ang babaeng pinakamamahal niya.

Medyo tumatagaktak na ang pawis sa mukha niya dahil kanina pa niya hinihintay lumabas ng bahay si Jhel – ang babaeng nakasuot ng wedding gown. Sabay silang pupunta sa simbahan. Medyo naiinip na nga siya kay Jhel, pero araw niya 'to, at isa pa, sanay na siya sa kabagalan ng babaeng pinakamamahal niya. Kaya na niya yung tiisin kahit habang buhay.

Sulit naman ang paghihintay niya nang makita niya ang pinakamagandang babaeng naka-wedding gown. Walang sinabi si Marian o Heart o kahit si Toni G.. Para kay Kevin, si Jhel ang pinakamagandang babaeng nagsuot ng damit pangkasal. Sabihin na nating bias siya, wala naman tayong magagawa, inlove yung tao e.

At waring napako na nga ang mga mata ni Kevin kay Jhel, at kahit normal pa rin ang takbo ng mundo, sa paningin niya ay slow-motion ang paligid. Slow motion ang paglapit ni Jhel sakanya. Ganitong-ganito ang mga eksenang naisip niya sa araw ng kasal nila ni Jhel. Eto ang pinangarap niya, eto ang eksenang madalas niyang mapanaginipan. Pero ngayon alam na ni Kevin na iba ang pakiramdam sa totoong buhay – waring natutunaw ang puso niya sa harap ng pinakamamahal niya.

"Huuuy! Tara na!" binasag ng tinig ni Jhel ang mabagal na takbo ng mundo ni Kevin. At bumalik sa normal ang galaw ng paligid sa mga mata niya.

"Ang tagal mo. Kailangan ko tuloy mag-retouch," pagpapatawa ni Kevin para mapagtakpan ang umaapaw na paghanga niya sa babaeng naka-wedding gown.

Pinagbuksan ni Kevin ng pinto ng sasakyan sa passenger seat si Jhel, "O pumasok ka na pinakamagandang bride," mas tunog pang-aasar kesa pangpupuri na sabi ni Kevin.

"Sus, sinasabi mo lang yan ngayon," nakangiting sabi ni Jhel sabay irap, "bakit dito ako? Dun ako sa backseat," sabay nguso sa backseat ng sasakyang puti at may ribbon sa harap.

"Wow, magmumuka pa kong driver mo??!" kunwari'y asar na sabi ni Kevin. Ang totoo gusto lang talaga niyang katabi ang pinakamamahal niyang babae hanggang maihatid niya ito sa dambana.

"Tara na nga, pagnakipagtalo pa ko sayo malelate pa tayo," at pumasok na siya sa nakabukas na pinto.

Pagkasara ng pinto ng sasakyan ng puting kotse, nagmadali si Kevin na makapasok sa driver's seat at sinimulang paandarin ang sasakyan.

Sa mga oras na ito, kailangan niya ang beast mode. Pero hindi. Ninamnam ni Kevin ang mga natitirang oras na magkasama sila ni Jhel sa puting sasakyan bago sila makarating ng dambana. Kahit naman ma-late sila, matutuloy ang kasal pwera nalang kung magbabago ang isip ni Jhel.

"Naalala mo yung nalaglag ka sa puno ng kayamito? Tapos sakto ka sa tae ng kalabaw?" natatawang tanong ni Kevin.

Binatukan ni Jhel si Kevin. "Sige, ngayon mo pa yan ipaalala," may kasamang panlalaki ng mata na waring banta ni Jhel.

Tumawa naman ng malakas si Kevin.

Natawa na rin si Jhel dahil naalala niya nga ang eksena na yun. "Ok lang, elementary lang naman ako nun e," pagtatanggol ni Jhel sa sarili.

"O di sige, yung nadulas ka sa harap ng quadrangle habang nagpa-flag ceremony tayo? Inagawan mo pa ng eksena yung principal na nenermon satin," kasunod ang malakas na tawa ni Kevin na waring hindi matatapos.

Natawa din si Jhel sa naalala niyang kahihiyan, "Oh my.. haha. That was so embarrassing, gusto ko na ngang lumipat ng school nun kinabukasan e. Hahaha. Highschool life. Hiyang-hiya talaga ko. Kitang-kita ko pa ang reaksyon ng crush ko, nakakahiya!" tawa ng tawa si Jhel habang nagkwekwento.

"Hahaha. At ako naman ang pinakamasayang tao nung nangyari yun sayo, hahaha", tawa pa rin ng tawa si Kevin.

"Alam ko!" sabay irap kay Kevin.

Tuloy lang pagtatawanan ng dalawa habang binabalikan nila ang mga napagdaanan nila sa buhay. Mga katangahan; mga kalokohan; mga tampuhan; at kung paano tumibay ang samahan nila. Natutuwa at natatawa ang dalawa sa mga eksenang pinagdaanan nila sa buhay ng bawat isa.

Sa isip ni Kevin si Jhel nga ang babaeng swak sa puso niya, wala na siyang ibang hahanapin pa. Hindi siya nagkamali.

Sa sarap ng asaran at kwentuhan ng dalawa hindi nila namalayan na malapit na pala sila sa simbahan at muntikan pa silang lumampas. Buti nalang at hindi absent minded si Jhel at napigilan niya ang paglampas nila sa simbahan.

Habang papalapit ang sasakyang puti sa tapat ng pinto ng malaking simbahan, napansin nila ang mga abay na pumupwesto na para sa seremonyang sila nalang ang kulang.

"Kinakabahan ako,"
biglang seryosong sabi ni Jhel sa katabi.

"Ngayon ka pa kinabahan, ilang hakbang nalang o. Ano nagbago na isip mo?" tatawa-tawang tanong ni Kevin.

"This is it." hindi pinansin ni Jhel ang tanong ni Kevin, at huminga siya ng malalim. "Oyyy, pagbuksan mo na ko ng pinto."

Tiningnan niya muna ng matagal si Jhel.

"Ano?? Tara!!" kumunot na ang noo ni Jhel.

Bumaka ang bibig ni Kevin at waring may gusto siyang sabihin. Tumingin siya sa mga mata ng pinakamagandang babaeng naka-wedding gown. Gusto niyang ilabas ang saloobin. Saloobin na matagal na panahon na niyang itinatago sa kaibaturan ng kanyang puso.

"Ano ba? Kumalat na yung make-up ko?", sabay tingin ng mukha niya sa rear view mirror. "Naku, nakakahiya kay Miguel pagnagkataong hindi ako maganda sa kasal namin."

Huminga ng malalim si Kevin, may kurot sa kanyang dibdib.

"Okay pa ba itsura ko?" muling tanong ni Jhel na waring nag-wo-worry.

Bahagyang binatukan ni Kevin si Jhel sabay sabing, "Diba sabi ko sayo ikaw ang pinakamagandang bride."

Ngumiti si Jhel, "Muka mo, alam kong nang-uuto ka. Tara na! Ihatid mo na ko kay Miguel" kasunod ang mas matamis na ngiti.

Tumagos sa puso ni Kevin ang matamis na ngiti na yun. Dahil alam niyang hindi yun para sakanya. Hindi nga pala siya ang dahilan kung bakit nakawedding gown ngayon ang babaeng pinakamamahal niya. Hindi siya. Kung kanina'y may kurot lang sa puso niya, ngayon waring hindi siya makahinga sa sakit ng dibdib niya. Naisip niya kung anong klaseng katangahan itong pinasok niya at siya pa ang maghahatid sa babaeng pinakamamahal niya sa dambana para ibigay sa ibang lalaki.

Pero wala naman siyang choice. Siya lang ang maaaring maghatid kay Jhel sa dambana ngayong wala na ang tatay niya. Tutal siya rin naman ang nagsilbing kasangga ni Jhel sa bawat yugto ng buhay nito. Yun nga lang ibang ending sana ang inaasahan niya para sa kanilang dalawa. Pero hindi pala iyun ang ending nila. Eto pala.

Eto siya, si Kevin, lumabas na ng pinto ng puting kotse upang pagbuksan ang babaeng naka-wedding gown. Nang mabuksan na ang pinto ng passenger seat, kinuha niya ang kamay ni Jhel at inilagay sa braso niya. Handa na siya para ihatid si Jhel sa dambana.

Nagsimula na ang paglalakad nila sa gitna ng simbahan. Nakita ni Kevin ang mukha ni Miguel. Nakangiti ito at waring kinakabahan. Nakapako ang tingin sa pinakamagandang bride na katabi niya.

Tiningnan ni Kevin si Jhel. At kahit natatabingan ng belo ang mukha nito, tagos na tagos ang mga tingin at ngiting alay nito sa lalaking pinakamamahal niya. Sa lalaking napili ng puso niyang pag-alayan ng forever niyang pag-ibig. At durog nanaman ang puso ni Kevin. Hindi niya napigilang ilabas ang sakit sa pamamagitan ng mga luhang unti-unti ng pumapatak.

Napansin ni Jhel ang mga luha sa mata ng matagal na niyang kasangga; sa kaibigang kadugo na niya kung ituring. "O? Ano yan? Umiiyak ka? Hahaha." Pang-aasaar niya.

Lalong bumuhos ang luha niya nang papalapit na sila kay Miguel upang ibigay ang kamay ng pinakamamahal niyang babae. "Ikakasal ka na e. Masaya ako para sayo."

Handa na si Miguel abutin ang kamay ni Jhel, ngunit niyakap muna ni Jhel ng sobrang higpit si Kevin – isa sa pinaka-importanteng tao sa buhay niya. "Thank you so much Kebs. So much.."

Ayaw na sana ni Kevin matapos ang yakap na yun, pero wala siyang nagawa nung kumalas si Jhel at pagkatapos ay binigyan siya ng matamis na ngiti.

Handa na muling abutin ni Miguel ang kamay ni Jhel, pero pinigilan ni Kevin si Miguel at niyakap, pagkatapos ay binulungan, "huwag mo siyang sasaktan, kundi papatayin kita." seryoso niyang banta sa lalaking mahal ng mahal niya.

Tumawa lang si Miguel at tinapik sa balikat si Kevin – ang matagal na niyang pinagseselosan ngunit sadyang kapamilya lang pala ang turing ni Jhel dito. At wala siyang dapat ikabahala.

Kinuha ni Kevin ang kamay ni Jhel at iniabot kay Miguel.

Nakangti ang dalawang ikakasal sa pagtatagpo ng kanilang mga kamay.

Habang naglakad naman palayo na may luha sa mga mata si Kevin at tinatanong ang sarili kung bakit hindi siya ang kasama ni Jhel sa harap ng dambana.

No comments:

Post a Comment