Sunday, November 25, 2018

Pagod na ko

Pagod na ko.
Pagod na kong lumikha ng mga katha na nagbibigay kulay o buhay
Pagod na ko.
Pagod na kong umasa na may perpektong pag-ibig maliban sa Dakilang May Likha.
Pagod na ko.
Sa sobrang pagod ko, 'di ko na alam kung paano tumugma ang mga salitang sinasabi ng puso.
Pagod na ko.
Pagod na kong saluhin ang mga batong pilit nilang ipinupukol kahit anong ilag ko.
Pagod na ko.
Pagod na kong makinig, umimik, o makibaka sa mundong kailanman hindi naging patas.
Pagod na ko.
Pagod na kong ipagsigawan ang totoo dahil ako lang naman ang naniniwala dito.

Pagod na ko.
At sana, panandalian lang ang pagod na 'to.
Sana, maglaho ang bigat na nadadama at manumbalik ang kilala kong ako.
Pagod na ko.
Magpapahinga lang ako.


Disclaimer: Not a suicide note.

Thursday, May 17, 2018

Spoken Words Poetry: Kathang Isip

Heto na nga ba ang sinasabi ko...
Sabi ko naman sa'yo 'wag mo dagdagan ng 'forever' sa dulo ang 'i love you' mo.
Tingnan mo, unti-unti na tayong naglalaho...
Dahil sinta, totoo ang sinasabi nila: ang 'forever' ay kathang isip lamang.

Pero ganun pa man, nandito pa din sakin ang pag-asa...
Pag-asa na hindi tayo hahantong sa dulo ng tadhana.
Dahil sinta, minsan ko 'ding inakala na ang tulad mo ay kathang isip lamang.
Pero dumating ka at ako'y niyakap... minahal at tinanggap.

Pinatunayan mo na ang pinangarap kong istorya ng pag-ibig...
Ay makakamit sa reyalidad na aking kapit-kapit.
At ang iyong pagdating, ay nagdulot ng kulay at ngiti
Sa mga gabi at araw na dati'y lubos akong sawi

Ngunit sinta, anong nang nagaganap sa ating dalawa?
Tila binabawi mo na ang kulay at ngiti na iyong hatid?
Na kahit laksan mo ang iyong tinig sa pagbigkas ng mga katagang 'mahal kita'
Hindi na ito marinig ng puso kong ikaw lang ang ipinipintig
Kahit nadudurog na ito sa sakit na nadadama
Dahil tila ba'y may iba ka na, at ito'y aking damang-dama
Sabihin mo man na ito'y kathang isip ko lang
Alam kong ika'y nagdadahilan lang...
Sinisubukang lumusot sa mga paratang kong alam naman nating totoo.

Sinusubukan mong ilayo ako sa sakit..
Sakit sa katotohanang ako'y di mo na iniibig.
Ngunit kahit anong iwas pa ang iyong gawin
'Di mo maikukubli sa akin na meron nang pumalit.
Na kahit sabihin mong paulit-ulit na ito'y aking kathang isip
'Di mo na maiaalis na patuloy akong masawi
Sa 'twing nadadama ko ang yakap mo na hindi na ganun kahigpit...
Sa 'twing binibigkas mo na ako'y mahal mo, dahil dama ko na hindi na ito totoo.
Sinta, nagkakamali ka kung inaakala mong hindi ako madudurog sa pagpapanggap mo.

At kahit pa paniwalaan ko ang sinasabi mo, na ang mga duda ko sayo'y kathang isip ko
Duon pa din ang bagsak natin sa dulo
'Pagkat minsan nang naging totoo ang kathang isip ko
Di ba nga't dumating ka sa buhay kong ito?

Kaya sinta, maaari bang tapusin ko na?
Tapusin ang sakit na patuloy kong nadadama.
Kathang isip o reyalidad man na mayroon ka nang ibang sinisinta,
May dulo pa ding naghihintay sa ating tadhana.

At kahit may pag-asa pa sa aking natitira,
Na hindi hahantong sa wakas ang ating kabanata.
Mas gugustuhin kong ika'y maging masaya't malaya, kahit sa piling ng iba.
Sinta, maaari mo nang iwan ang kathang isip na binuo nating dal'wa.

Sunday, May 13, 2018

Blangko

Blangko.
Ano nga ba ang susunod sa blangko?
Ito ba'y yung susunod na kabanata?
O baka naman ang katapusan na kay tagal hinintay?
Ngunit handa ka na ba sa susunod na kabanata o sa katapusan?
Anong naghihintay pagkatapos ng blangko?

Blangko.
May lakas pa bang harapin ang kasunod nito?
O mananatili na lang sa blangkong pahinang nakahinto?
Ililipat mo ba ang mga kamay o mananatili ditong nakapahinga?
Nagsawa na ba sa tintang bumabalot sa sulok ng bawat daliri?
Iyo na nga bang huhugasan ang kamay at iiwang blangko?

Blangko.
Anuman ang piliin mo, may patutunguhan ito.
Di bale nang magpatuloy, 'di bale nang magwakas.
Ang mundo ay 'di titigil sa anumang pipiliin mo.
Piliin mong gumawa ng bagong kabanata at ituloy ang iyong kwento;
Piliin mong magwakas sa blangko at gumawa ng panibagong kwento.

Blangko.
Ang mahalaga dito'y hindi ka papaalipin sa napipintong pagpili
Blangko.
Ang mahalaga dito'y maari kang manatili ngunit umalis ka din
Blangko
Ang mahalaga dito'y, sa hulli'y, may tinta sa iyong mga kamay.

Thursday, February 22, 2018

Pili at Tugmaan

Ikaw na nga ang pinili ko
Wala nang iba pang iibigin
Kahit pa ano ang 'yong nakaraan
Araw-araw, ikaw ang pipiliin ng puso

Sapat ng nasugatan ako
Sa bakas ng kahapon nating magulo
'Wag mangamba, sa'yo pa rin ang pag-ibig ko
Kahit sabihin man nilang huwad ka o ako

Saturday, February 17, 2018

Spoken Words Poetry: Minahal Kita



Akala ko ikaw na. Akala ko, nakita ko na.
Pero totoo nga yata ang sabi nila --
Madalas mali ang akala.

Paano mo ko nagawang saktan?
Saang parte ba ako nagkulang?
A, oo nga pala, lagi nga pala akong kulang.

Ang dami mong inilihim sakin,
tapos sasabihin mong ako'y lubos mong iniibig? Nakakalito, dahil oo, naramdaman ko naman ito - yung sinasabi mong pagmamahal mo ng todo.

Kaya nga kita minahal ng lubos,
dahil hindi ka naman nagkulang
para ito'y lagi kong madama ano man ang aking kalagayan.

Pinahalagahan ko ang pagmamahalan natin,
dahil akala ko, nakita ko na nga ang kabiyak ng aking puso't damdamin.

At marahil ay wala ngang kabiyak ang puso ko… Meron siguro, pero puro pagpapanggap lang kagaya mo.

Bakit mo nga bang hinayaang umabot sa ganito, kung saan sobrang sakit na ang maidudulot ng ating paglalayo?

Minahal kita, e.
Nag-iisa ka sa puso ko,
kahit madaming lumalapit,
pinili kong sayo manatili,
dahil nga mahal kita
At pinapahalagahan ko ang sinasabi mong pag-ibig mo sa akin.
Ngunit ang totooy parte lang pala ng inyong plano.

Ano bang ginawa kong kasalanan sa inyo?
Pakisabi naman o!
Bakit kahit malayo na ako,
hinahabol pa rin ako ng multo niyo?
O marahil kayo ang takot sa sarili niyong multo.

Alam mo ba kung anong pinakamasakit?Pinakamasakit, ay ginago mo ako.
Ginago mo ang taong sinasabi mong mahal na mahal mo.

Kaya ngayon, iwan mo na ko,
bitawan na natin ang isa't isa.
Ayoko na ng larong sinimulan niyo.
Sapat na siguro ang sakit na idinulot niyo para masabing kayo na ang nanalo.
Kayo ng mga kakampi mo.

Ang tanga ko,
Ang tanga-tanga ko na pinaniwalaan ko ang huwad mong pag-ibig.
Mahal, minahal kita ng totoo at walang halong pagkahuwad iyon.
Oo sige na, kayo na ang panalo.

At itong mga salitang ito
'Tong mga letrang nababasa mo.
Para sayo talaga 'to,
Literal at ni di ko hinaluan ng pagpapanggap.

Mahal, bakit mo ginago ang taong sinasabi mong mahal na mahal mo?
Itinuring pa naman nating ang Diyos ang sentro ng pagmamahal mong huwad sa akin.

Minsan lang mapaamo ang lion,
Ngunit sino ba sa atin ang tunay na lion?