Friday, May 10, 2013

Alamat ng Engagement Ring


Hindi ko alam kung saan nagmula ang alamat na ito na ikinuwento pa sa akin ng magiting kong lolo, pero ganun pa man, ipagbibigay alam ko na rin ito sa publiko. Isisiwalat ko ang sinasabing alamat ng aking lolo Ingkong, ang Alamat ng Engagement Ring (e ano nga bang tagalog ng engagement ring? hehe).

Sabi ni lolo Ingkong, noong unang panahon daw, wala naman talagang enge-engagement ring ang magsyota. Syempre, alam ko naman yun (duh!). Pero ganun pa man, dahil matanda na si lolo Ingkong, pinagbigyan ko nalang at nagkunwaring interesado sa ikinukwento niya.

Ang totoo nagulat nalang din ako, kasi namalayan ko nalang na naging interesado na ko sa kinukwento niya. Pinapakinggan ko ang bawat detalye ng lahat ng pangungusap na lumalabas sa bibig niya, inaabangan ang mga susunod na mangyayari. At hanggang katapusan, buong-buo ang atensyong ibinigay ko sakanya.

So ano, handa na ba kayo? O sige, kahit hindi ko alam kung interesado kayo, sisimulan ko na ang alamat na ito. Ikwekwento ko ang kwento ng lolo Ingkong ko.


Ang Alamat ng Engagement Ring, Bow.

Noong unang panahon, nung hindi pa uso ang komiks, tv, betamax, cellphone, at kung-anu-ano pang bagay; nung ang mga tao ay meron lang sibat, itak, bahag, at kung anu-ano pang sinaunang bagay, merong dalawang mag-syota. Lelong ang pangalan ng lalaki at Banaya naman ang pangalan ng babae.

Edi ayun nga, si Lelong at Banaya ay magsyota mula sa magkaibang tribo. Magkaibang tribo, kasi pitong bundok ang pagitan ng bahay nilang dalawa. Kung iniisip niyo kung paano sila nagkakilala, wag kayong mag-alala, iniisip ko din yun hanggang ngayon. Basta magsyota na sila at plano na nilang maging mag-asawa.

Napagpasyahan nilang sa tribo nila Banaya ganapin ang kanilang pag-iisang dibdib, dahil na rin sa kalagayan ng ama ni Banaya. Masyado na itong matanda, mahina na at baka hindi na kayaning tawirin ang pitong bundok (Oo nga naman no, konsiderasyon naman sa matanda..hehe).

Handa na ang sana ang lahat, ngunit isang linggo bago ang pag-iisang dibdib nila, naganap ang isang digmaan sa tribo nila Lelong. Kung sa panahon natin merong tinatawag na world war, sa panahon nila merong namang tribe war.

At dahil lalaki si Lelong, syempre kasama siya sa tribe war. Hindi pinahihintulutang sumama ang mga babae sa labanan, tanging mga lalaki lang ang ipinapasabak ng mga tribo sa digmaan. At dahil kailangan gampanan ni Lelong ang tungkulin niya sa kanyang tribo, hindi niya inurungan ang pagsali dito, kahit pa nga nalalapit na ang kasal nila ni Banaya. Ngunit ayaw ni Lelong na mag-alala si Banaya sa kalagayan niya, kaya hindi niya ipinaalam ang tungkol sa labanan.

Kasama ang ama ni Lelong, lumakad na sila upang ipagtanggol ang kanilang tribo. Ano nga bang dahilan ng kanilang pakikidigma? Hindi na malinaw ang dahilan, basta, makikipaglaban siya at ipagtatanggol ang tribo nila.

Habang nasa labanan na si Lelong, ay dalawa lang ang nasa isip niya –  Una, ang mabuhay!  Ang makabalik ng buhay para kay Banaya. Ikakasal pa sila sa isang linggo. At ikalawa, ang maprotektahan ang ama sa labanan.

Balot ng kalasag ang buong katawan ng bawat kasali sa digma. Mula ulo hanggang paa, pula ang kulay ng kalasag ng tribo nila Lelong. Itim naman ang kulay ng kalasag ng kanilang kalaban.

Isa, dalawa, lima, sampu. Hanggang sa hindi na mabilang ni Lelong ang mga napatay niyang kalaban.

Sumandal sandali si Lelong para magpahinga. Ibinaling niya ang mata sa kanyang ama, Nakita niya na isang kalaban ang lumulusob dito at dehado ang kanyang ama sa laban. Tumakbo siya papalapit dito, pero habang papalapit siya, kitang-kita ng dalawang mata niya ang itak na tumabas sa bewang ng kanyang ama. 

Napaluhod ang ama niya. Humiga. Ipinikit ang mata.

Agad-agad sinugod ni Lelong ang kalaban ng ama. Tinagpas din ni Lelong ang bewang ng kalaban at napahiga ito.

Lumapit si Lelong sa kanyang ama, pero huli na pala siya. Wala na itong buhay. Ni hindi manlang niya narinig ang huling habilin nito bago malagutan ng hininga. Hindi katulad ng mga napapanuod natin sa TV ngayon, mamamatay nalang ang dami pang sinasabi.

Habang yakap ang ama, ngumalngal si Lelong. Iyak na mas matindi pa sa batang nasubsob ang muka sa aspalto – ito ang umalingawngaw sa lugar.

Muli niyang nilingon ang kalaban na pumaslang sa ama niya. At aba, buhay pa pala ito at nagtatangkang tumakas. Gumagapang palayo.

Nagngingit-ngit sa galit si Lelong habang papalapit sa lapastangang pumatay sa kanyang ama. Kung walang puso niyang pinatay ang kanyang ama, ganun din ang mararanasan ng lalaking ito. Lintik lang ang walang ganti!

Kinaladkad niya sa paa ang gumagapang na kalaban. Pero nagawa pa siyang sipain nito. Nakatayo ito at tinangka pa siyang tagpasin gamit ang itak na hawak. Nakailag siya, ngunit na hagip ng kaunti ang kanyang braso at nagtamo ng maliit na hiwa. At sa kabila ng sugat na natamo ng kalaban sa bewang, nagawa pa nitong muling sumugod at tagpasin naman ang ulo ni Lelong. Mabuti at naka-ilag si Lelong. Ang proteksyon niya lang sa ulo ang nahagip at nalaglag sa lupa. Nakita tuloy ang mala-Jack Sparrow niyang mukha (Wow, ang pogee ah..).

Lalo pang nadagdagan ang galit niya sa kalaban na balot ng itim na kalasag. Kung sakaling hindi siya naka-ilag, hindi na siya makakabalik ng buhay kay Banaya. Papatayin niya talaga ang barabas na ito, hindi lang para sa kanyang ama, papatayin niya ito para rin kay Banaya.

Hindi pa man sumusugod si Lelong, humakbang na paatras ang kalaban, waring nadama ang galit ni Lelong at natatakot nang muling sumugod. Waring hindi makagalaw (nakakatakot ba ang pagmumukha niyang kamuka ni Jack Sparrow?).

Sinamantala naman ito ni Lelong, agad na dinagdagan ang sugat ng kalaban. Masidhing initak ang dibdib nito. Lumagapak sa lupa ang kalaban na ballot ng itim na kalasag. Buhay pa ngunit halatang naghihingalo na ito.

Ngunit hindi pa kuntanto si Lelong. Para sa kanya, hindi pa niya naigaganti ang kanyang ama. Ipapadanas niya sa kalaban ang paghihirap bago mamatay.

Lumapit si Lelong sa nakahigang kalaban. Tumayo siya sa ibabaw nito. “Nagkamali ka ng pinaslang! Bakit ang aking ama pa?” – puno ng galit na sabini Lelong.

Binitawan naman ng kalaban ang itak na hawak-hawak niya pa pala sa kamay niya, at pilit na inaabot si Lelong. Waring nagpapaawa na wag siyang tuluyang paslangin. Nginisian lang ito ni Lelong at tinapakan niya ang sugat ng kalaban sa dibdib. Itinaas na ni Lelong ang kanyang itak, pupugutan niya ng ulo ang lalaking ito.

Hindi pa rin ibinababa ng kalaban ang kanyang kamay – ang tanging bagay na hindi nababalutan ng itim na kalasag. Nagpapaawa at nagbabakasakaling mapigilan si Lelong sa pagtagpas ng ulo niya.

Nakaramdam ng awa si Lelong. Sino kaya ang lalaking ito, kawawa naman ang pamilya niya dahil iuuwi siyang walang buhay sa kanilang tribo. Ngunit hindi pwedeng magpatalo sa awa si Lelong. Naalala niyang ito ang pumaslang sa ama niya. Gayunpaman, dahil may puso naman si Lelong, sa dibdib nalang niya muling tinagpas ang kalaban.

Ngunit buhay pa rin ito,at marahang itinataas ang kamay sa kanya. Naisip ni Lelong na matapang ang kalaban niya, sa halip na magpatay-patayan, iniaabot pa ang kamay sa kanya. Dahil humanga siya dito, inalis niya ang kalasag nito sa ulo.

Nanlambot ang buong pagkatao ni Lelong. Maging ang bibig niya ay hindi alam kung anong dapat sabihin. Tanging ang mga mata niya ang nakapagpahayag ng nararamdaman niya. Nagbagsakan mula dito ang luhang di mapigilan ang agos.

Hinawakan ng kalaban ang muka ni Lelong. Hinaplos. At kahit hirap na hirap ng magsalita, lumabas ang tinig ng isang babaeng pamilyar na pamilyar kay Lelong. Tinig na nakatatak sa puso’t isip niya. ”Mahal ko, nagkamali ka ng pinaslang.. Bakit ako pa?..”

Humagulgol lang si Lelong, hindi pa rin mahanap ng labi niya ang mga dapat sabihin. Niyakap niya ng mahigpit si Banaya. Alam niyang maya-maya lang mawawalan na ito ng buhay.

At ganun nga ang nangyari, namatay si Banaya sa mga bisig ni Lelong. Dun lang kumawala sa labi ni Lelong ang isang malakas na sigaw. Isinigaw niya ng buong lakas ang pangalan ni Banaya. Dito niya idinaan ang pighati, sakit ,at pagsisisi na nadarama.

Natigil ang labanan ng biglaan. Hindi nila kinaya ang pighating natamo ni Lelong. Kilala nila ang dalawang magkasintahan. At hindi lingid sa kanila na sa isang linggo na dapat ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Bakit nga ba hindi pumasok sa isip nilang ipaalam sa magkasintahan na ang tribong makakalaban ay ang tribo ng isa’t isa. At napatanong ang lahat kung anong ginagawa ni Banaya sa isang digmaan na para lamang sa mga lalaki ng kanilang tribo? Naalala nila ang ama ni Banaya, at alam na nila ang kasagutan.

Nung araw na iyon, walang nanalo, walang natalo, maliban kay Lelong na napuno ng kasawian.
Kinagabihan, nakarating si Lelong sa bahay nila Banaya para ihatid ang katawan nito sa kanyang ama. Alam na ng ama ang nangyari kay Banaya, dahil sa mga tsismosong katribo niya na nagbalita sa kanya ng mabilis pa sa alas-kwatro.

Sinalubong siya ng tanong ng ama ni Banaya, punung-puno ito ng pighati. “Paano mo nagawang paslangin ang babaeng sinasabi mong mahal na mahal mo higit pa sa sarili mo?”

Napalugmok sa sahig si Lelong, wala na siyang luhang mailabas, “Paano mo nagawang pahintulutang ilagay sa panganib ang buhay ng sarili mong anak?”

Niyakap ng ama ni Banaya ang walang buhay niyang anak. “Anak, bakit? Mas nanaisin ko pang ako nalang ang napaslang kesa  makita ang walang buhay mong katawan.”

Habang nakatingin sa kawalan muling nagsalita si Lelong, “Kung meron lang akong nakitang palatandaan, kahit manlang sa kamay niya na pilit niyang inaabot sa akin, baka nailigtas ko pa ang buhay ng mahal ko, siguro sana’y nakilala ko ang mahal ko kahit nakatakip ang kanyang muka…”

Narinig ito ng isang tsismosong konseho sa tribo nila Banaya. Naantig siya at naawa ng lubos sa sinapit ni Lelong. Kaya naman nakaisip siya ng bagong batas na dapat ipatupad. Makalipas ang isang lingo, sa mismong araw na dapat ay ang pag-iisang dibdib nila Banaya at Lelong, isang batas patungkol sa magkasintahan ang ipinatupad.

Ang lahat ng magkasintahan na may planong magpakasal ay nararapat magsuot ng singsing – pares ng singsing na magbibigay ng pagkakakilanlan sa kanilang iniirog.


At yun nga, hanggang sa nag-evolve na at tinawag na Engagement Ring.

So ano? Kayo na ang bahala kung paniniwalaan niyo ang alamat na ito na kwento ni lolo Ingkong. Sabi niya kasi ang pangalan daw ng lolo niya sa tuhod ay Lelong. Sabi ko naman, “Ay naku lolo Ingkong, lokohin mong Lelong mo.”


Hehehe… O siya, hanggang sa muling kwento. J