Saturday, August 1, 2020

Spoken Words Poetry: Marahuyo



Ito 'yung oras at panahon na nakangiti ka sa akin,
Oo, sa akin. At ako'y yumuko, 'di nakayang makipagtitigan sa'yo.

Ito 'yung bigla mong tinawag ang pangalan ko 
at ako'y lumingon ngunit 'di nakinig sa mga sumunod mong salita, pagkat nadidinig pa din ngalan ko sa iyong tinig. 

Ito 'yung unang pagkakataon na nagtama ang ating mga mata, at yung mga sumunod pa. Na pareho tayong umiwas, marahil ay nahihiya pa. 

Ito 'yung sa t'wing kasama kita na para bang walang halaga 'yung ingay ng mundo pagkat ikaw at ako at ang oras na 'to ay sapat na upang umikot ang ating mundo. 

Ito 'yung pagdampi ng labi mo sa aking noo, ilong o labi at ako'y yayakapin na tila ba nawala ang pagod at sumapat sa anumang nagkukulang. 

Ito 'yung kahit sa dami ng tao sa mundong ito tayo'y nagtagpo at umibig at sa isa't isa'y nanatili pagkat hindi lahat ay taglay ang marahuyong ito. 

Marahuyo ng pag-ibig na tanging makakamtan lang ng dalawang pusong handang tumupad sa pangako sa isa't isa at hindi bibitaw. 

Ito 'yung nagawa kong sumulat ng tula patungkol sa'ting dal'wa, kulang sa tugma ngunit sapat upang maunawaan ng pusong hanap ay hiwaga. 

Wednesday, April 8, 2020

Paano Mo Mamahalin?

Sabihin mo nga sa akin.
Paano mo mamahalin
ang isang taong alanganin?

Lumuluha ng lihim
Mga ala alang kay lalim
Sa paggising at panaginip,
sino ang sasagip?

Tumatawa't ngumingiti,
ngunit kailangan mo alamin
na siya'y may sugat palagi
Maghihilom o mananatili
Hindi niya masasabi.

Paano mo mamahalin?
Ang pag-ulan ay 'di niya nais
ngunit halimuyak nito'y kay tamis.
Sa sulyap ng araw siya'y magiliw,
ngunit kung minsa'y umaayaw din
Sa oo at hindi, siya'y alanganin.

Ngunit kung siya ang iyong tatanungin,
madali lang naman siyang mahalin.
Ang mahirap ay 'yung siya'y alamin.
'Wag nang tangkain ng pusong alanganin.
Pagka't ang sagot kung siya'y oo o hindi,
ay para lamang sa kanyang mamahalin.
Siya'y alanganin kung siya'y 'di mo mawawari.

Paano mo mamahalin?