Sunday, June 7, 2026

ikaw at ako

Sa likod ng katamikan, 

Sa likod ng saradong pinto, 

Nakatayo ako at naghihintay sa katok mo, 


Hindi ka umiimik o 'ni humihikbi,

Alam kong nakatayo ka, naghihintay sa 'king pagsilip,

Dahil 'di ko narinig ang 'yong yabag palayo sa 'kin


At kahit pareho tayong nagsara ng pinto, 

Pareho din naman tayong nag-aabang

Ako sa katok mo, ikaw sa pagsilip ko


Ngunit kung lubos nga nating kilala ang isa't isa,

Alam nating ito'y habang-buhay na paghihintay

Ngunit, alam din natin na wala pang isang segundo,


Tutugon ang ikaw at ako,

Ako, ang pagbukas sa katok mo, 

Ikaw, na sasalubong ng ngiti sa pagsilip ko,


Ngunit paano tutugon ang ikaw at ako

Kung walang katok mula sa'yo,

O kung walang pagsilip mula sa akin sa likod ng pinto?


Ngunit ang pinaka malaking tanong siguro,

Bakit pareho pa rin tayong nakatayo,

Sa pagitan nitong isinarado nating pinto?


At ang pinaka nagsusumigaw na sagot siguro, 

'Di dahil nag-aabang tayo ng pagkakataon tumugon,

Kundi, dahil nakatagpo tayo ng rason...


...sa pag-iral ng ikaw at ako

No comments:

Post a Comment