Saturday, February 17, 2018
Spoken Words Poetry: Minahal Kita
Akala ko ikaw na. Akala ko, nakita ko na.
Pero totoo nga yata ang sabi nila --
Madalas mali ang akala.
Paano mo ko nagawang saktan?
Saang parte ba ako nagkulang?
A, oo nga pala, lagi nga pala akong kulang.
Ang dami mong inilihim sakin,
tapos sasabihin mong ako'y lubos mong iniibig? Nakakalito, dahil oo, naramdaman ko naman ito - yung sinasabi mong pagmamahal mo ng todo.
Kaya nga kita minahal ng lubos,
dahil hindi ka naman nagkulang
para ito'y lagi kong madama ano man ang aking kalagayan.
Pinahalagahan ko ang pagmamahalan natin,
dahil akala ko, nakita ko na nga ang kabiyak ng aking puso't damdamin.
At marahil ay wala ngang kabiyak ang puso ko… Meron siguro, pero puro pagpapanggap lang kagaya mo.
Bakit mo nga bang hinayaang umabot sa ganito, kung saan sobrang sakit na ang maidudulot ng ating paglalayo?
Minahal kita, e.
Nag-iisa ka sa puso ko,
kahit madaming lumalapit,
pinili kong sayo manatili,
dahil nga mahal kita
At pinapahalagahan ko ang sinasabi mong pag-ibig mo sa akin.
Ngunit ang totooy parte lang pala ng inyong plano.
Ano bang ginawa kong kasalanan sa inyo?
Pakisabi naman o!
Bakit kahit malayo na ako,
hinahabol pa rin ako ng multo niyo?
O marahil kayo ang takot sa sarili niyong multo.
Alam mo ba kung anong pinakamasakit?Pinakamasakit, ay ginago mo ako.
Ginago mo ang taong sinasabi mong mahal na mahal mo.
Kaya ngayon, iwan mo na ko,
bitawan na natin ang isa't isa.
Ayoko na ng larong sinimulan niyo.
Sapat na siguro ang sakit na idinulot niyo para masabing kayo na ang nanalo.
Kayo ng mga kakampi mo.
Ang tanga ko,
Ang tanga-tanga ko na pinaniwalaan ko ang huwad mong pag-ibig.
Mahal, minahal kita ng totoo at walang halong pagkahuwad iyon.
Oo sige na, kayo na ang panalo.
At itong mga salitang ito
'Tong mga letrang nababasa mo.
Para sayo talaga 'to,
Literal at ni di ko hinaluan ng pagpapanggap.
Mahal, bakit mo ginago ang taong sinasabi mong mahal na mahal mo?
Itinuring pa naman nating ang Diyos ang sentro ng pagmamahal mong huwad sa akin.
Minsan lang mapaamo ang lion,
Ngunit sino ba sa atin ang tunay na lion?
Monday, December 25, 2017
Spoken Words Poetry: Pasko sa Buhay mo
Lukas 1:30-31
(30)At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios. (31)At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.
Madalas kong masilayan
tuwing sasapit ang kapaskuhan,
mga palamuting makukulay at naggagandahan
Masasayang tugtugin kahit sa paligid na matamlay
Mga taong abala na tila ba sila'y masaya
Masaya… Sa paparating na wari ba'y isang hiwaga
subalit ako'y napapatanong sa kabila ng magandang representasyon
Matanong ko lang ang kasalukuyang henerasyon,
Ano ba talagang meron dito sa okasyon?
Bakit nagpapagal tayo isang imbitasyon,
Kagaya ng meron ngayon dito sa ating lokasyon?
Anong ganap ang meron ngayon?
Dapat bang magdiwang ng Pasko
Dahil ito'y isang bakasyon…
Bakasyon? Pero bakit tila ika'y pagod?
O marahil abot tenga ang ngiti
Dahil 13th month at bonus ay nakamit…
Nakamit? Ngunit bakit parang kulang pa rin?
Siguro nga'y tama ang sabi nila…
Ang Pako ay para lamang sa mga bata.
Hilingin daw kay santa klaws ang iyong nais…
Makakamit depende kung naughty or nice…
Sila ninong at ninang ay kamustahin,
Tiyak yan na mayroon sayong nakatabi.
Ngunit bakit iyon ang isinisiksik sa kanilang murang isip?
Magsabit ng medyas sa hating gabi
O di kaya'y magabang sa ilalim ng Christmas tree…
Bakit di na lang sinabi ang totoong pangyayari?
Na sa araw na ito'y may higit na niluluwalhati?
Higit sa mga nais mong makamit…
Itinuturo sa paaralan ang history
Kung ganun ba't di natin palaganapin ang Christmas History
Yung pangyayari na may regalong dumating
Regalo na dapat ay buong puso nating tanggapin…
Isang pangyayari na sa kabi-kabilang ng ating paghingi at pagangkin...
May Isang nagbigay at sumapat sa lahat ng kulang sa atin…
Ating alalahanin ang kapanganakan ng Tagapagligtas natin?
Yung sanggol na pagasa ng sanlibutan na sadyang kay dilim
Balutan man ito ng mga makukulay na palamuti,
Kumikislap na ilaw Kagaya nung namamasid natin sa gabi,
Itodo man natin ang lakas ng masasayang tugtugin sa tabi
Mabangi man ang kapitbahay mo sa Pamasong awitin
Hindi mo maitatanggi na ang mundo'y madilim
Nababalot ng lungkot kahit ang lahat ay may salo-salo…
Kung walang ang Kristo na sentro ng Pasko..
Mali… Kung wala ang Kristo sa sentro ng buhay mo.
Dahil dapat ang Pasko ay hindi lang bukas o ngayon.
Ano nga ba ang nasa puso natin?
Kamusta ang tunay na diwa ng Pasko sa iyong buhay araw-araw at gabi-gabi?
Para ka bang bata na nakatuon sa hinihiling at nais makamit?
O para bang ikaw yung nagpapagal, naghahanda ngunit nasan ang iyong ngiti?
Saan ka ba nakatingin? At sinisunod mo pa ba ang kanyang tinig?
Espesyal pa ba ang Pasko sa buhay mo Disyembre man o hindi?
O baka nakalimutan na natin…
Na yung Sanggol na isinilang para sa atin…
At Siyang Tagapagligtas na namatay din para sa atin,
Ang tunay na kailangan natin…
Siya yung sapat na liwanag na dala'y tunay na saya sa ating Pasko Disyembre man o hindi...
Liwanag sa mundong sadyang kay dilim at higit sa kahit anong palamuti…
Kung wala pa si Kristo Hesus dyan sa Pasko sa loob ng puso mo…
Bakit hindi mo siya alalahanin at papasukin?
At iyong mapagtatanto na araw-araw pala ay Pasko..
Yung tunay na Pasko… higit sa palamuti at magagarbong disenyo.
Ating tanggapin at ipalaganap ang pinakaimportanteng regalo…
Yung pag-ibig ng Diyos na nagbibigay kaligtasan sa kahit sino
Na Siyang namatay upang tayo'y matubos
At iyon ang tunay na diwa ng Pasko -- kung saan si Hesus ang sentro…
Akda nina: Berto at Shella
Subscribe to:
Posts (Atom)
