Tuesday, March 24, 2026

Pangalawang Pinakamataas na Uri ng Pagmamahal

Alam mo yung pangalawang pinakamataas na uri ng pagmamahal?


Parents' love. 


Hindi. 


Naranasan o natagpuan ko na ba yun? Kasi paano ko 'yan masasagot kung di ko pa pala yan naranasan. 


Antanga mo naman kung hanggang ngayon, hindi mo alam. 


Grabe ka naman, paano kung 'di ko pa nga naranasan, pagbibintangan mo pa kong tanga. 


I-explain ko sa'yo ha. Ang pangalawang pinakamataas na uri ng pagmamahal ay 'yung mahal ka nang buong ikaw, hindi lang sa metapisikal pero maging ang kaluluwa mo. Uunahin niya ang kaligayahan o nakabubuti sa'yo bago ang sarili niya. Kaya niyang ialay ang lahat sa'yo, gawin ang mga bagay para lang masiguro na maganda at maayos ang kalagayan mo. 


Hindi ba 'yan parents' love? 


Hindi nga. Ang parents love nag-eexist dahil galing ka sa similya at egg cell nila, dugo't laman ka nila kaya ka nila mahal. Pero 'yung pangalawang pinakamataas na uri ng pagmamahal, hindi natatali dun, o sa simpleng atraksyon, 'yung tipong kahit hindi ka nahawakan sa kamay, handang ibigay ang lahat sa'yo kesa hodang barabas pala ang nakaraan mo, kesa hodang hindi masuklian ang pagmamahal na meron siya, kesa hodang may ibang magmay-ari ng puso mo, kesa hodang mag-iba ang mga landas niyo, hindi hihinto ang uri ng pagmamahal na 'to. 


Ang martir naman nun. 


Hindi martir. Mapanganib. Kaya madalas hinahadlangan 'to ng langit. 


Bakit hahadlangan ng langit ang ganun kadalisay na pagmamahal? 


Dahil mapanganib nga. Just think of the possibilities na pwedeng mangyari kapag hindi nahadlangan ang ganung uri ng pagmamahal. 


Edi mundong puno ng pag-ibig. 


Mali, mundong puno ng paghihiganti at mundong hahayaan niya lang magunaw kung kapalit naman nito masaya at maayos ang buhay ng taong mahal niya. Mundong kahit kelan, kaligtasan mo lang ang pipiliin niya kahit gaano karami pa ang isakripisyo niya.


Oo nga, mapanganib nga. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ba ko o malulungkot pagnakatagpo ako ng ganyang pag-ibig. 


Bakit, tingin mo ba hindi ganuon ang uri ng pagmamahal sa'yo ni Frank? Swerte mo, pagnakatagpo ka ng pangalawang pinakamataas na uri ng pagmamahal, bibihira lang yun, rare. Kaso, tanga ka, tingin ko kahit makatagpo ka nun, di mo mamamalayan. 


How sure are you na tanga ko sa bagay na 'yun? 


Kasi sa haba - haba ng explanation ko, 'di mo pa ding maamin na ikaw nga ay tanga nga. O siya, kunin mo na lang yung bisikletang 'to, maglalakad na lang ako pauwi, mataas ang gasolina ngayon dahil sa gyera sa Middle East, 'wag ka muna magmotor. 'Wag mo kalimutan yung helmet ha. Isuot mo at ayokong makapatay ng tao dahil lang nabangga ka at nabagok ang ulo mo.


Siraulo! Oo na, sige na! Hinihintay na ko ni Frank sa bahay. Ibalik ko na lang sa'yo pagnagroll back ang gasolina. 


Asa ka pa 'dun? Anyway, 'wag mo na ibalik. Pamana ko na yan sa'yo. Mamaya may flight ako pa Toronto. 


Ha? Pambihira ka. Bakit pamana? Di ka na ba babalik? 


Hindi na. Ano sama ka?


Siraulo!


Sige na, hinhintay ka na ni Frank. 


Seryoso nga iiwan mo na ang lugar na 'to? 


Kanina pa ko seryoso sa lahat ng pinagsasabi ko. Buti nga nagpakita pa ko sa'yo bago umalis. 


Siraulo! Buti kamo, sinipot kita. Panu pala kung hindi, edi--


Edi sesendan kita sa messenger ng sunset. 


Siraulo, di ko yun magegets. 


Tingnan mo, edi tanga ka talaga. 


Siraulo! 


Siguro nga. Isang tanga at isang siraulo, magkasama ngayon. 


...


...


Dalawin ka na lang namin ni Frank dun. 


Ikaw bahala. Sige na, may mga aayusin pa kong gamit, istorbo ka na.


Tse.


Seryoso, umalis ka na, sakyan mo na yang bike, wag ka na magpaabot ng dilim. O, yung helmet sabi, eto, o. 


Ingat ka sa byahe mo. Balitaan mo ko sa buhay mo dun sa Toronto. Hangad ko, kahit sinasabi mong mapanganib, makatagpo ka dun ng pangalawang pinakamataas na uri ng pagmamahal.


Susubukan ko. 


Deserve mo 'yun.


Sige na, tutuloy na ko.


Kita tayo sa hinaharap.


Baka hindi na, masyadong mapanganib. 


Ha? Tingin ko naman huhupa na 'yung gyera. Lahat naman humuhupa.


Hindi ang pangalawang pinakamataas na uri ng pagmamahal.


Sigurado ka?


Tandaan mo 'to, kahit tanga ka, ma--


Siraulo! Sige na, lumakad ka na nga. Paano, salamat dito sa pamana mong bike ha.


Ingat. 


Ingat.


....... 


....... 

Tuesday, March 17, 2026

Heto Na Naman

Heto na naman ang panahon kung saan tinatawag ako ng pagsusulat, 

Iwan ko daw ang anumang ginagawa ko at mas lumapit sa kanya

Siya daw ang bahala sa akin na para bang may kapalit na salapi ang bawat kong titik


Mahirap hindian, o hindi ko kayang hindian

Nakapaglabas na ko ng mga tula at kwento

Pero heto siya hinihila pa din ako sa kanya


Wala kong inspirasyon, tugon ko sa kanya, 

"Sinungaling..." sabay pitik sa aking bunbunan

May mga bagay na hindi ko sa kanya maikukubli


"...wala kang inspirasyon sa trabaho, 

pero sa akin, umaapaw,

na kung minsa'y iyong pinipigilan pa


Ako na lang kasi ang trabaho mo, nagsusumamo ako"

Ngumisi ako, ano pa nga ba?

Oras nga ng trabaho ko at heto, ikaw ang ginagawa ko.

Monday, March 16, 2026

Aking Ikaw

Sa ika-pitong beses kong pagbagsak

ika-labing apat Mo akong sinalo

palaging sobra ang bigay Mo

kung minsan ay nag-uumapaw pa ito


Ikaw ang ilaw, sandigan, at lakas

ang tanging kapit sa mga paghakbang

inari Mong Sa'yo 'di dahil karapatdapat ako

kundi dahil sa kung sino Ka at ano ko Sa'yo


Sapat nang marinig ang lagi Mong sambit

"Hindi ka maaagaw, palagi kang sasamahan"

"Mahal kita mula pa nung una, 

ngayon, at walang hanggan," nawa'y 'di ko makal'mutan.

Monday, March 9, 2026

Saka Na

Minsan ko nang sinabi, 

Na ang paglikha ko ng katha,

Di nakabase sa palakpak ng kung sino


Ngunit, may panahon, 

Na humihingi ito ng tugon, tulad ngayon,

Ayos lang bang ako naman ang hihingi niyon?


Ipagkakait ko muna sa mundo

Ang mga kathang nagdudulot ng tanong

Saka na ibabahagi ang bigat ng pagnanais ituloy... 


Pagkat para saan pa ang pagsamo,

Kung wala namang handang tumugon

Ikaw ba'y napangiti, napangisi, o nadurog ko


Ilalapat na lang muna sa espasyo, 

Na laan lang sa mga matang tunay na may gustong 

Maglakbay sa bawat titik, tugma, pangungusap, tutunghayan


...ang ating kwento