Mahal kita sa paraang 'di mauunawaan ng iba
Dahil sino nga ba ang magmamahal ng lubos
Pagkatapos ay hahayaan lang ito lumayo?
Sino nga ba ang nakatagpo ng hiwaga
Pagkatapos ay itatago lang sa mga tula?
Ngunit sadyang 'di ko maikakailang mahal nga kita
Dahil sino nga ba ang magmamahal na walang hinihintay na tugon?
Basta't alam na masagana at maligaya ka sa'yong mundo
Sapat nang mag-umapaw ang pagmamahal kahit 'di ito mahawakan
Dahil ang taong nagmamahal nang totoo
Hindi nakabatay sa pag-angkin ang lalim at rubdob
Na tila ba kahit kaya kang angkinin ay mas piniling manatiling malayo
Dahil hindi makasarili ang pag-ibig na totoo
Ngunit aaminin ko, may dalang kabigatan din ito
Dahil mas malalim masaktan ang taong nagmamahal ng totoo
---hindi pangkaraniwan pero lubos at totoo.
No comments:
Post a Comment