Naririnig ko nanaman siyang nagtatanong. At take note, maya-maya
lang meron na siyang pagbibintangan. O di kaya naman meron nanaman siyang
inosenteng mapapagalitan. Ewan ko ba diyan sa amo ko, hindi pa naman matanda
pero kung atakihin ng pagka-ulyanin daig pa yung lola niya. At take note ha,
hindi lang yan ulyanin, tatanga-tanga din yan kung minsan. Pero take note,
matalino naman siya, nakakalimutan niya lang siguro gamitin kung minsan. I-take
note niyo yan.
Siguro na-iirita na kayo sa kaka-ulit-ulit ko ng salitang “take note”, o kung hindi man,
panigurado ako maya-maya lang maiirita na kayo. Hihilingin kung pagpasensyahan
at maintindihan niyo sana ako. Iyun kasi ang trabaho ko, ang mag-take note. Pero dahil nauunawaan kung madaling
mairita ang mga katulad niyong nilalang sa mga bagay na paulit-ulit, babawasan
ko ang pag-gamit ng “take note”. Take
note ha, babawasan ko ang ‘take note’.
Pero teka, hindi tungkol sa akin ang note na ito. Tungkol ito
sa amo ko, na ayun nga, nagsisimula ng pagbintangan yung kapatid niya. Kesyo siya
daw ang huling gumamit sa akin. Take note o, tingnan niyo, maya-maya lang iinit
na ang ulo niyan. Pero ang totoo, nandito ako. Naka-ipit sa isang papel na nasipa
sa ilalim ng aparador niya. Take note, siya rin mismo ang nakasipa sa akin. Mabuti
nalang hindi ako kagaya niyo na kailangan huminga para mabuhay, kundi kanina pa
ako patay.
Kaloy. Yan ang
pangalan ng amo ko. At ako, ako ang dakila niyang partner sa buhay. Ako ang
mumurahing ballpen na nabili niya sa National
Bookstore. Pero mumurahin man ako, maganda naman ang serbisyo ko. Hindi ako
nagtatae, at take note, kahit ilang beses na ako nailaglag ni amo, hindi parin
pumapalya ang tinta ko. Kahit itapat niyo pa ko dyan sa mamahaling Pilot o Parker, alam kong may ibubuga ako. Take note! Iba ata ako, am the
best ballpen you can ever have. Yun nga lang kahit anong ganda ng serbisyo ko
kung ulyanin naman ang amo ko, malamang hindi pa ubos ang tinta ko e tapos agad
ang purpose ko sa buhay niya. Balita ko kasi, ilang mga katulad ko na ang
naisadlak sa di malamang lugar ni amo Kaloy. At natatakot akong matulad sa
kanila.
Gusto kong mapaglingkuran ng lubos si amo. Ayokong mawala sa
buhay niya ng hindi nauubos ang aking tinta. Isa pa, gusto ko yung mga salitang
inilalabas niya sa pamamagitan ko. Yung mga kwento niya, yung mga tula niya,
yung mga saluobin niya. Gusto ko pang makita ang mga letrang ilalabas niya. Kaya
lang ilang bes na niya ko muntik maiwala e, at nangangamba ako.
Gustong-gusto ko pa naman si amo. Mahilig kasi siya magsulat.
At isa pa, kahit maiksing mga pangungusap lang ang isusulat niya, tagos naman. Kung
gaano siya kadiin magsulat, na halos bakat ang mga letra sa limang pahina,
ganun din bumabaon ang mga sulat niya sa mga nakakabasa dito.
Madalas magsulat si amo ng mga kwentong bunga ng kathang
isip, pero nung minsan, nagsulat din siya ng base sa totoo niyang buhay. Hindi ko
‘yun makakalimutan kasi sobrang higpit ng pagkakahawak niya sa akin, mabuti
nalang at hindi niya ako nabali. Tingin ko naman nung mga panahon na ‘yun,
hindi siya galit. Pero malungkot siya at nasaktan siya. Wala man akong
nakikitang dugo o luha sa kanya, base sa mga letrang inilalabas niya nung
panahon na ‘yon, alam kong duguan at luhaan siya.
Yun kasi yung panahon na nakipaghiwalay sakanya yung
girlfriend niya. At nung mga panahon na yun, mas madalas kaming magkasama ni amo.
Take note, gamit na gamit niya talaga ang mga tinta ko.
E kasi naman etong si amo, dapat matagal na niyang
hiniwalayan yang lapastangan niyang girlfriend. Kahit kailan hindi naman siya
sineryoso nung impaktang yun. Wala ngang pakealam yung babaeng yun sa mga
isinusulat niya e. Dun palang dapat naramdaman na ng amo ko na hindi seryoso
sakanya yung babaeng yun.
Ewan ko ba dyan kay amo Kaloy. Tulad nga ng sabi ko,
matalino naman siya, minsan nga lang nakakalimutan niyang gamitin. Ayan tuloy
nasakatan pa siya, at take note ha, hanggang ngayon hindi pa niya nakakalimutan
yung ex niya na yun.
E kung ibinabaling nalang kasi niya ang tingin niya sa
bestfriend niyang si Margie, edi sana, happy na siya. Kaya lang tatanga-tanga. Naku,
kung kaya ko lang batukan si amo, nabobo na siguro talaga yan! Mabuti nalang
hindi ko kaya. Sayang naman yung natitira niyang katalinuhan. Pero sana no,
gamitin niya.
Hindi ba niya napapansin yung totoong damdamin sakanya ni
Margie? Ako nga na walang puso na tumitibok damang-dama yung pag-ibig ni Margie
sakanya, siya pa kaya? O sadyang manhid lang si amo?
Kung sabagay, hindi ko rin naman malalaman yung totoong
damdamin ni Margie sakanya kung hindi ako napunta sa pangangalaga nito ng isang
linggo.
Nung isang bes kasi, naiwan ako ni amo Kaloy sa bahay ng
bestfriend niyang si Margie.
Dun ko nga nalaman yung totoong damdamin ni Margie para kay
amo. Sa ilang pahina ng notebook, isinulat niya ang damdamin niya para kay amo
Kaloy. Hindi ko alam kung pang-ilang beses na ba niyang naisulat ang pagmamahal
na iyon, pero napansin ko, halos mapupuno na ang notebook na ‘yun. At hindi ko
alam kung lahat ng mga naisulat duon ay patungkol kay amo, pero sa buong isang lingo
kong pananatili kay Margie, puro patungkol kay amo ang isinulat niya gamit ang
mga tinta ko.
Kung alam kaya ni amo Kaloy ang damdamin ng bestfriend niya
sa kanya, mababago ang sitwasyon niya?
Kung mababasa kaya niya yung mga sulat ni Margie, magiging masaya na sila
pareho?
Ewan ko ba sa mga katulad niyong nilalang, ganyan ba talaga
kayo? May bibig naman kayo pero bakit kailangan niyo pang gamitin ang mga katulad
namin para ipahayag ang damdamin niyo? Nagsasalita kayo gamit ang mga tinta at
naipapahayag niyo bang talaga kung hindi naman ito nababasa ng nilalang na
tinutukoy ng mga bawat letrang sinusulat ninyo?
At ako? Makikita pa ba ako ng amo kong naghihimutok na sa
inis dahil hindi niya alam kung nasaan ako? Pero andito lang ako! Naka-ipit sa
papel sa ilalim ng lintik na aparador na ‘to na siya mismo ang nakasipa. At ayoko
dito!
Pakisabi naman kay amo Kaloy na wag siyang titigil sa
paghanap sakin, at wag kamo siya bibili ng bagong ballpen sa National Bookstore
o kahit sa bangketa dahil andito lang ako. Hindi pa ubos ang tinta ko. Hindi pa
tapos ang serbisyo ko. Gusto ko pa siyang makasama. Gusto ko pang masaksihan
ang mga letrang ilalabas niya.
Pero kung hindi niya ko makita, siguro hindi na ko
magtataka. At siguro maiintindihan ko siya. Take note ha, kung yung damdamin
nga ni Margie hindi niya makita, ako pa kaya?